Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na may sapat na pondo ang Pamahalaan para tustusan ang mga gastusin para sa paparating na Bagyong Odette.
Ito’y ayon kay NDRRMC Executive Director at Office of the Civil Defense Administrator USec. Ricardo Jalad sa gitna na rin ng pangamba na paubos na ang pondo ng mga ahensya ng Pamahalaan lalo’t papatapos na ang taon.
Ani Jalad, maliban sa savings ay may maaari pang pagkunan ng pondo sakaling maubos na ang nakalaan para sa taong ito.
Malabo aniyang maubusan ng pondo ang Pamahalaan para sa Disaster response lalo’t may nakalaan na agad na pondo para sa susunod na taon.
Sa ngayon aniya, may naka-standby silang nasa 331 milyong pisong halaga ng pondo at resources na naka-antabay na para sa mga maapektuhan ng kalamidad bukod pa ang mga standby fund na hawak naman ng iba’t ibang lokal na Pamahalaan. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)