Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang lokal na Pamahalaan na may Quarantine Hotel para sa paglalatag ng mahigpit na seguridad.
Ito’y bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP na bantayang maigi ang mga Quarantine Hotels kasunod ng pagpuslit ng tinaguriang Poblacion Girl na si Gwyneth Chua nuong Disyembre ng isang taon.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, mula sa 408 kabuuang bilang ng mga DOH, Department of Tourism at Bureau of Quarantine accredited Hotels, nasa 367 rito ang nainspeksyon na.
Kinabibilangan ito ng mahigit 9K indibiduwal buhat sa ibayong dagat na kasalukuyang sumasailalim sa mandatory quarantine.
NCR ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng mga naka-quarantine na may 6,736; sinundan ito ng Central Luzon na may 1,680 habang pangatlo naman ang Central Visayas na may 359 na indibidwal. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)