Tinatayang mahigit 3k pamilya o 14k indibiduwal ang inilikas mula sa 5 barangay sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas.
Ito’y ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal kasunod ng pagputok ng Bulkang Taal, pasado alas tres ng hapon ng Huwebes.
Kabilang sa mga inilikas ay mula sa mga barangay ng Gulod, Buso-Buso at Lakeshore Bugaan East sa bayan ng Laurel gayundin sa mga barangay ng Bilibinwang at Banyaga sa bayan ng Agoncillo.
Sa kabila nito, ipinaalala ni Timbal sa mga nagsisilikas na residente ng Batangas na panatilihin pa rin ang pag-iingat kontra COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face mask at pagpapanatili ng physical distancing.
“Kapag meron po kayong nararamdamang sakit sabihin nyo po iyan sa inyong barangay upang mabigyan kayo ng karampatang aksyon kasi po pag may mga sakit dapat po sa ospital sa quarantine pasilidad o facility dadalhin at hindi sa evacuation center ito pong mga pangangailangan po ninyo ay tutugunan ng ating mga kasamahan po sa local government kami po dito sa national at regional council disaster management ay nakaantabay po at handa kaming magbigay ng tulong kung kakailaganin po ng ating LGU at mga kababayan.” Pahayag ni NDRRMC Spokesman Mark Timbal.
Sa panig naman ng Pamahalaang Panlalawigan, sinabi ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas na naka-antabay na ang kanilang mga kagamitan matapos ang unang pag aalburuto ang bulkang taal nitong Enero ng nakalipas na taon.
“Pero nakahanda rin yung mga payloader nabakante na rin natin ang mga ito at syempre ating inihanda yung mga evacuation site natin na malayo nakahanda rin naman tayo sa totoo lang hanggang ngayon meron pa tayong nakatira sa ating mga taal yung mag-explode noong January 12 noong isang taon so nakahanda tayo dito.” Pahayag ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas.