Patuloy na sinisikap ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mapauwi na ang libu-libong repatriated overseas Filipino workers (OFW) na nananatili pa sa mga quarantine facilities sa Luzon.
Ito ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ay dahil 43,000 pang OFWs ang inaasahan nilang uuwi sa buwang ito hanggang sa susunod na buwan.
Sinabi ni Bello na target nilang mapauwi na ang 16,000 OFWs na nasa quarantine facilities at nakatakda nang matapos ang 14-day quarantine at swab test.
Karamihan aniya sa mga naturang OFW ay naghihintay na lamang ng certification o clearance mula sa Bureau of Quarantine.
Inihayag ni Bello na ang clearance ay magsisilbing pass ng mga OFW para tanggapin ng local government units at tuluyang makapiling na ang kanilang pamilya.