Iniimbestigahan na ng Epidemiology and Surveillance Unit ng Quezon City ang nasa 40 empleyado ng Kamara matapos na magpositibo ang mga ito sa COVID 19.
Kasunod nito, hinihingi ng QC-CESU sa Kamara ang listahan ng mga kumpirmadong COVID sa kanilang tanggapan sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz, Director ng QC Epidemiology Unit, pawang naninirahan sa Batasan at mga karatig Barangay ang mga nagpositibo kung saan, inilagay ng mga ito na sa Kamara sila nagtatrabaho.
“Sa mga cases na hawak namin sinasabi nila na nakuha nila ang virus sa loob ng Kamara , sa mismong pinagtatrabahuhan nila, kaya ito ngayon ang aming iniimbestigahan kung paanong nagkahawahan”pahayag ni Cruz.
Dahil sa pagkakabitin ng ulat mula sa Kamara kaya’t pahirapan ngayon ani Cruz sa kanilang panig ang tukuyin kung ilan ang kumpirmadong kaso ruon.
Gayunman, kanila pang isasailalim sa masusing assessment kung ipasasara o hindi ang buong Kamara dahil posibleng magkaroon dito ng outbreak ng nasabing virus.