Apatnaraan dalawampu’t isang (421) bayan at lungsod na karamiha’y matatagpuan sa Mindanao ang tinukoy ng Commission on Elections (COMELEC) bilang mga election “hotspot” na hinati naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tatlong kategorya depende kung anong uri ng mga banta mayroon ang bawat lugar.
Ayon kay Capt. Celeste Frank Sayson, AFP Deputy Public Affairs Officer, 156 na bayan at lungsod ang nasa 1st category kung saan mayroong mga politically motivated incident bunsod ng matinding banggaan ng mga pulitiko na mayroong mga private army o gun-for-hire group.
Isandaan animnapu’t limang (165) bayan at lungsod naman ang bumubuo sa 2nd category, kung saan may presensya ng mga rebelde, tulad ng NPA, BIFF, MILF, MNLF maging ng Abu Sayyaf.
Ang huling kategorya naman ay binubuo ng 97 lungsod at bayan kung saan kapwa matatagpuan ang banta ng mga private army o gun for hire group at mga rebelde.
Bagaman hindi inilabas ang mga pangalan ng mga lugar, idinetalye naman ng AFP ang mga rehiyon na kabilang sa listahan gaya ng ARMM na may pinakamataas na bilang ng mga hotspot kung saan 12 lugar ang nasa 1st category;
Sumunod ang Caraga region, kung saan 10 lugar ang nasa unang kategorya; Bicol Region na mayroon namang pinakamataas na bilang mga hotspot area sa Luzon.
By Drew Nacino