Naitala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, kahapon, ang pinakamataas na heat index o init na nararamdaman ng katawan ng tao sa Metro Manila ngayong tag-init.
Ito matapos pumalo sa 42.1 degrees Celsius ang heat index na naitala ng PAGASA NAIA Station sa Pasay City.
Habang umabot naman sa 34.9 degrees Celsius ang kanilang naitalang pinakamataas na temperatura sa Pasay City pasado alas-2:00 ng hapon kahapon.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang heat index na 41 hanggang 54 degrees Celsius ay posible nang magdulot ng heat cramps, heat exhaustion at posibilidad ng heat stroke.
Samantala, binabantayan ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at huling namataan sa layong 900 kilometro silangan ng Davao City.
Sa pagtaya ng PAGASA, mababa ang tiyansa na maging ganap itong bagyo bagama’t magdadala pa rin ito ng ulan sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Posibleng umabot sa 38 degrees Celsius ang temperatura o alinsangan na mararamdaman ng katawan ng tao sa araw na ito sa Metro Manila.
Batay sa pagtaya ng PAGASA, maaaring umabot sa 35 degrees Celsius ang maximum na temperatura sa Metro Manila na magbibigay ng mas mainit na pakiramdam sa katawan ng tao.
Maaari umanong maramdaman ang sobrang init ng panahon ngayong ala-1:00 at alas-4:00 ng hapon.
Dahil dito, pinayuhan ng PAGASA ang publiko na huwag na munang lumabas at manatili sa loob sa mga nabanggit na oras.
—-