Naglabas ng paglilinaw ang Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa halaga ng ecstasy na nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Pasil, Cebu City.
Ayon sa BOC, nagkakahalaga ng P5.072M ang nakumpiskang 2,984 piraso ng ecstasy.
Iba ito sa unang pahayag ng PDEA na nagkakahalaga ng P6.7M ang nasabat na ecstasy.
Nakumpiska ang kargamento sa pamamagitan ng controlled delivery operation na nagresulta sa pag-aresto sa isang claimant.
Nakadeklara ang mga dokumento bilang damit ng babae na orihinal na nagmula sa Netherlands.
Dahil sa nangyari, posibleng maharap ang claimant sa paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drug Act at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
– Ulat mula kay Raoul Esperas (Patrol 45)