Nasabat ng port authorities ang mahigit 500 tablet ng ecstasy na nagkakahalaga ng P1-M na mula umano sa Netherlands.
Ayon sa Bureau of Customs (BOC), aabot sa 535 na piraso ng ecstasy tablet o mas kilala sa tawag na “party drugs,” ang nasamsam sa NAIA airport ng mga operatiba ng BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Ayon sa ahensya, nadiskubre ng kanilang tauhan ang ecstasy matapos na isailalim sa physical examination ang pakete na nasa central mail exchange center.
Nabatid pa na unang idineklarang mga ‘dokumento’ ang laman ng isang maliit na pakete na mula sa Netherlands upang maitago ang mga party drugs na nasa loob nito.
Agad namang itinurn over sa PDEA ang mga nasabat na ecstasy tablets at isinasailalim na ngayon sa masusing imbestigasyon para matukoy ang mga nasa likod ng iligal na importasyon.