Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa Washington sa US at Caribbean operator ng MV grand cruise ship na kasalukuyang naka-quarantine sa California.
Ito ay upang ma-monitor nila ang lagay at kondisyon ng mga Filipinong manggagawa ng nabanggit na cruise ship matapos namang magpositibo sa coronaviruse disease 2019 (COVID-19) ang dalawang pasahero nito.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), umaabot sa 518 ang mga Filipinong tripulante ng MV Grand Princess.
Sa kasalukuyan anila ay may mga pasahero at crew nang nakikitaan ng mga sintomas ng COVID-19 pero hindi pa tinutukoy ang nationality ng mga ito.
Dahil dito, aminado ang DFA na wala pa silang impormasyon kung may Filipinong napabilang sa mga nakitaan ng sintomas.
Samantala, patuloy na hinihimok ng Philippine embassy ang mga Filipinong sakay ng MV grand cruise ship na mahigpit na sundin at sumunod sa mga abiso ng mga health officials sa Estados Unidos.