Nasa mahigit 50,000 na Subscriber Identity Modules (SIMs) ang na-deactivate at inilagay ng isang telco sa blacklist noong 2022.
Sinasabing ito’y kaugnay ng mas pinaigting na kampanya nito laban sa mga naglipanang online fraud.
Napag-alaman na bilang parte ng mas pinalakas na inisyatibo para maprotektahan ang mga konsyumer, nag-deactivate ang Globe ng 20,225 na SIMs habang 35,333 na iba pa ang binlock na may kinalaman sa mga scam at spam messages noong nakaraang taon.
Halos 2.72 bilyon na scam at spam messages naman ang naharang noong 2022 kung saan ang 83.4 milyon ay may kaugnayan sa mga bank transaction.
Ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng telco, bago pa man naisabatas ang SIM Registration Act ay nagsasagawa na ng mga hakbang ang kanilang kompanya para protektahan ang mga kustomer laban sa scam messages at iba pang fraudulent activities gamit ang mga SIM.
“Globe recognizes the growing threat posed by scammers, who use various tactics, including text messages, to deceive innocent victims into giving up personal information that could be used to compromise their financial accounts. We will continue to invest in our cybersecurity program to protect our customers from these unscrupulous individuals,” wika ni Bonifacio.
Bilang bahagi ng programa, mabilis na dine-deactivate ng Globe ang mga SIM sa ilalim ng network nito sa sandaling ma-detect na may kinalaman ito sa fraud habang ang mga SIM naman sa labas ng network ay automatic na blacklisted para hindi na makapag-send ng messages sa kanilang mga subscriber.
Hindi maitatanggi na batid ng telco ang kahalagahan na maproteksiyunan ang mga kostumer laban sa mga masasamang-loob sa internet o online.
Dahil dito, patuloy itong nakikipagtulungan sa iba’t ibang financial institutions para mabilis na maharang ang mga kahina-hinalang SMS o text messages.
Maaari namang mag-report ang mga kostumer kapag nakatanggap ng spam at scam messages sa pamamagitan ng Stop Spam portal ng network.
Maliban dito, matatandaang naglunsad din ang Globe ng awareness at education campaign para palawakin ang kaalaman ng mga kustomer at nang maprotektahan nila ang kanilang mga sarili laban sa mga online scammer.
Samantala, para mas mabawasan din ang dumaraming bilang ng reklamo laban sa mga hindi rehistradong numero sa likod ng mga cybercrime, ipinasa ng pamahalaan ang Republic Act No. 11934 o mas kilala bilang SIM Card Registration Act na nilagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 2022 kung saan kinakailangang irehistro ang mga SIM sa kani-kanilang mga telco.