Ikinakasa na ng Ombudsman ang imbestigasyon nito kaugnay sa mahigit 6 bilyong pisong shabu shipment mula China na nakalusot sa Bureau of Customs o BOC.
Batay sa inilabas na direktiba ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, inatasan nito ang kaniyang mga tauhan na bumuo ng isang special fact finding committee hinggil sa naturang usapin.
Siyamnapung (90) araw lamang ang ibinigay na palugit ni Morales sa nasabing lupon para makapagsumite ng ulat sa kaniya gayundin ng rekumendasyon nito kung saan, gagamitin bilang reference ang ginawang committee report ng House Committee on Dangerous Drugs.
Una nang inihayag ng Malacañang na ipinauubaya na nito sa mga independent bodies ang pagbusisi sa usapin at iginiit na hindi kailanman sila makiki-alam sa anumang imbestigasyon kahit pilit na isinasangkot dito ang ilang malalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte na sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Atty. Mans Carpio.
—-