Dumipensa ang Quezon City Police District (QCPD) hinggil sa alegasyong tinutulugan umano nila ang problema ng illegal gambling sa kanilang lungsod.
Ito’y makaraang kastiguhin ni PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa si QCPD Director P/Bgen. Ronnie Montejo sa isang panayam sa radyo dahil talamak pa rin umano ang ilegal na sugal sa kaniyang nasasakupan.
Sinabi ni Montejo na mula noong isang taon aniya, aabot sa mahigit 600 operasyon ang kanilang ikinasa kung saan, halos 2,000 ang naaresto habang mahigit 600 ang kanilang nasampahan ng kaso.
Ngayong buwan lang ani Montejo, nasa halos 60 na ang naikasa nilang operasyon, mahigit 120 ang naaresto at 40 ang nakasuhan.
Bagama’t aminado si Montejo na sa kabila ng kanilang maigting na kampaniya kontra ilegal na sugal ay marami pa rin sa mga ito ang nagbabalikan dahil sa padrino ng ilang gambling lords. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)