Mahigit 617,000 na kwalipikadong tricycle drivers sa buong bansa ang nakatakdang makatanggap ng fuel cash subsidy sa ilalim ng “Pantawid Pasada Program for Tricycle Drivers.”
Ayon kay Outgoing Interior Secretary Eduardo Año, sa 766,590 tricycle drivers na nag-apply para sa fuel subsidy, 148,784 sa mga ito ang na-disqualify dahil sa kakulangan ng Means of Verification (MOVs), gaya ng driver’s license numbers, hindi kumpletong e-wallet information, o mga pangalan na isinumite lamang matapos ang itinakdang deadline.
Ipamamahagi aniya ang subsidiya sa tatlong batches kung saan, ang unang batch ay para sa 539,395 tricycle drivers na nakapagbigay ng e-wallet account, ang ikalawang batch naman ay para sa 73,233 na mga tsuper na nais kunin ang ayuda sa pamamagitan ng Landbank of the Philippines, habang ang ikatlong batch ay para naman sa 5,178 drivers na nais i-avail ang on-site payout sa mga lokal na pamahalaan.
Pinayuhan naman ni Año ang mga benepisyaryo na hintayin ang abiso mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa mga detalye at karagdagang impormasyon para sa nasabing subsidiya.