Aabot sa mahigit 8 libong mga Pulis ang nais na malipat ng area of assignment sa kani-kanilang bayan o sa lugar malapit dito.
Ito’y matapos ipatupad ni PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan ang PNP localization program salig sa Section 63 ng RA 8551 o ang PNP Reform and Reorganization act of 1998.
Layon nitong pataasin ang morale ng mga pulis dahil bukod sa malalapit na sila sa kani kanilang pamilya ay mapapahusay pa ng mga ito ang kanilang trabaho dahil sa “sense of ownership” sa kanilang area of assignment.
Batay sa datos ng PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM), sa bilang na 8,561 na mga nag-apply ay 7,410 na Police Non-Commissioned Officers ang pasok sa itinakdang kuwalipikasyon.
4,742 sa mga ito ang gustong lumipat sa NCR, 841 sa Calabarzon, 475 sa Central Luzon, 475 din sa Bangsamoro Autonomous Region at ang iba naman ay iba’t iba pang mga rehiyon.
Nilinaw naman ni Cascolan na 1:1 swapping ang mangyayari kung saan ang mga pulis mula sa isang lugar na ililipat ay papalitan din ng mga pulis na gustong magpa-re-assign sa lugar na iyon.