Aabot sa 71 mga armas ang tinanggap ng Philippine National Police (PNP) mula sa mga pulitiko at ilang sibilyan sa lalawigan ng Abra.
Mismong si PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde ang tumanggap ng mga nasabing armas na binubuo ng 28 mga loose firearms at 43 lisensyadong baril na isinuko kasabay ng pagsisimula ng kampaniya para sa lokal na mga posisyon.
Ikinatuwa naman ni Albayalde ang matagumpay na pakikipag usap ng mga pulitiko at pulisya sa Abra na nagresulta naman sa pagsuko ng mga armas bilang pagtupad sa umiiral na Comelec gun ban para sa mid-term elections sa Mayo.
Binisita rin ng PNP chief ang Abra Police Provincial Office Headquarters sa Camp Col. Juan G. Villamor, Bangued, Abra, para personal na kumustahin ang situasyon sa lalawigan na kabilang sa mga klasipikaso bilang election hot spots.
Mahigpit na tagubilin naman ng PNP chief sa mga pulis Abra na tiyakin ang kapayapaan gayundin ang kaayusan sa kanilang lalawigan sa darating na halalan.