Aabot sa 53K senior citizens ang target ng Department of Health na bakunahan kontra COVID-19 kasabay ng paglarga ng National Vaccination Day para sa nasabing age group sa National Capital Region, ngayong araw.
Inihayag ni DOH Director for NCR Gloria Balboa na ngayong buwan lamang ay target nilang makapagturok ng booster sa halos 764K senior citizens.
Ayon kay Balboa, nais nilang matiyak na may proteksyon laban sa COVID-19 ang mga lolo at lola sa gitna ng muling pagtaas ng kaso at banta ng mas nakahahawang Omicron variant.
Una nang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na prayoridad ang mga senior citizen na makakumpleto ng primary series ng bakuna, lalo’t ang mga ito ang lantad sa iba’t ibang sakit.