Hindi makaalis ng Pilipinas ang nasa mahigit 7,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa ipinatupad na entry ban sa Hongkong at Taiwan.
Sa pahayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mahigit 5,000 OFWs pa-Taiwan habang nasa 2,000 OFWs naman sa Hongkong ang apektado ng travel restrictions ngayong pandemiya.
Naniniwala si POEA Administrator Bernard Olalia, na ang paghihigpit sa dalawang bansa ay pansamantala lamang dahil mayroong 40,000 bakanteng trabaho ang naghihintay sa mga Pinoy OFWs kabilang na ang bansang Taiwan.
Nakikipag-ugnayan na ang Pilipinas sa Hongkong at Taiwan para tiyaking nasusunod ng mga OFW ang protocols sakaling tanggalin na ang ban.
Samantala, sakaling alisin ang ban sa Hongkong ay hihingan ng vaccination card at negatibong RT-PCR test ang mga OFWs dalawang araw bago ang kanilang biyahe kasama na rito ang 20 araw na compulsory quarantine at anim pang COVID-19 test result.
Kailangan namang isailalim sa 14-day quarantine ang mga bibiyahe pa-Taiwan na may dalawang araw na pre-departure quarantine sa Pilipinas.
Sa ngayon, sinisikap pa ng gobyerno na maibalik ang deployment ng mga Pilipino sa Hongkong at Taiwan. —sa panulat ni Angelica Doctolero