Mahigit 7,000 trabaho ang naghihintay sa mga Pinoy jobseekers sa pagbubukas ng kauna-unahang job fair ng Department of Tourism (DOT) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco, idaraos sa Maynila, Cebu, at Davao mula September 22 hanggang 24 ang “Trabaho, Turismo, Asenso! Philippine Tourism Job Fair.”
Isasagawa naman ang pre-registration online habang ang job fair naman ay gagawin sa SMX Convention Center Manila, SM City Cebu, at Abreeza Mall Davao.
Sa 7,510 job vacancies, aabot sa mahigit 3,000 trabaho sa National Capital Region, CALABARZON, at MIMAROPA ang iaalok sa Manila Leg ng employment program.
Mahigit 1,600 at 2,500 job opportunities naman sa Visayas at Mindanao ang bubuksan para sa Cebu at Davao Leg ng naturang job fair.