Kalabos ang isang drug suspek sa ikinasang drug buy-bust operations ng pinagsanib na puwersa ng Calapan City PNP at ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Oriental Mindoro Police Office.
Kinilala ni MIMAROPA Regional Police Director P/BGen. Nelson Bondoc ang naarestong suspek na si Larry Dumip-IG Chua na residente ng Teacher’s Village sa Malabon City.
Isinagawa ang operasyon sa bahagi ng Sunrise Village, Brgy. Suqui, Calapan City kung saan, nagpanggap na bibili ng droga ang isang pulis na positibo namang kinagat ng suspek dahilan upang siya’y maaresto.
Nakuha kay Chua ang 53 piraso ng maliliit na plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng humigit kumulang isang kilo at isang 50 grams ng malaking plastic ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon.
Hawak na ng mga tauhan ng Calapan City Police Station ang suspek na si Chua para isailalim sa proseso habang ikinakasa na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kaniya.