Mahigit nasa 80 indibidwal ang nadakip ng mga otoridad matapos umanong masangkot sa vote buying at selling.
Ayon kay NCRPO Police Chief Dir. Guillermo Eleazar, naaresto ang mga indibidwal simula nang ipatupad ang task force kontra bigay ng Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) nuong Biyernes.
Inilunsad aniya ang naturang task force sa Malabon City, Muntinlupa City, Quezon City at Makati City.
Sa ngayon ay nakapiit sa kani-kanilang police stations ang mahigit 80 lumabag sa election code at posibleng maharap sa kaukulang kaso.
Vote buying mas malala ngayong eleksyon
Mas naging talamak ngayon ang vote buying kumpara nuong 2016 elections.
Ito ay ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon kung saan aniya hindi niya matukoy kung bakit mas marami ngayon o dahil marami ang nahuli dahil sa vote buying at selling.
Kinuwestiyon din ni Guanzon kung saan galing ang perang pinamimigay ng mga kandidato gayung wala naman umanong presidential candidate kaya’t ang ibig aniyang sabihin nito ay galing sa lokal.
Giit ng opisyal, dahil sa hindi matuldukang problema sa vote buying, nagiging kurap na rin ang kaisipan ng mga botante.
Halaga ng ipinamimigay na boto bumaba ng P20
Bumaba ng hanggang P20 ang halagang ipinamimigay ng mga kandidato para sa kanilang pagbili ng boto.
Ayon kay Comelec Education and Information Director France Arabe, ito ay batay sa kanilang mga natanggap na ulat mula sa Cavite at Muntinlupa.
Sinabi ni Arabe na mayroong P20 at P50 na inilalakip ang mga kandidato sa kanilang flyers na ipinamimigay.
Mayroon din aniyang mga kandidato na nag-ooffer ng refund ng mga pamasahe ng mga botante.
Kaugnay nito, hinimok ni Arabe ang publiko na huwag ipagbili ang boto at bumoto nang naayon sa konsensya.