Iniimbestigahan ng National Privacy Commission o NPC ang nasa 93 mobile lending apps na inirereklamo dahil sa ginagawang pamamahiya umano sa mga hindi nakakabayad ng kanilang utang sa tamang oras.
Ayon kay NPC Commissioner Raymund Liboro, isa itong bagong gawain o phenomenon kung saan bago makahiram ng pera ang isang indibidwal ay kailangan nilang ibahagi ang kanilang contacts at ibang datos sa naturang application.
Ang ilan aniyang nangutang sa app ay ipinapahiya sa kanilang contacts na ibinigay kapag hindi nakakabayad sa kanilang due date.
Ito umano ang nagigng paraan ng mga lending company na nasa likod ng apps para makasingil.
Sinabi ni Liboro na kanilang bubusisiin ang naturang mga lending apps kung hindi ba lumalabag ang mga ito sa Data Privacy Act kung saan dapat ay wasto ang paggamit sa mga datos ng kanilang customer.