Muling sumipa ang presyo ng karneng baboy at manok sa mga pamilihan sa Metro Manila, sa gitna ng nalalapit na holiday season.
Sa Litex market sa Commonwealth Avenue, Quezon city, pumalo na sa P310 ang kada kilo ng kasim at pigue habang P340 na ang liempo.
Umaabot naman sa P160 ang kada kilo ng isang buong manok habang P180 ang choice cuts.
Sa Sangandaan, Caloocan City, naglalaro sa P320 hanggang P340 ang kada kilo ng kasim at pigue; liempo, P350 hanggang P370 depende sa klase; isang buong manok, P180 pesos at choice cut, P200 pesos kada kilo.
Ipinaliwanag naman ni Samahang Industriya ng Agrikultura Chairman Rosendo So na ang pagtaas ng farm gate price ng karne ay dahil sa mataas na production cost.
Maliban dito, mataas din anya ang presyo ng mga produktong petrolyo kaya’t lumaki ang gastos sa pagbiyahe ng mga nasabing produkto habang naapektuhan din ng african swine fever ang ilang magbaba-baboy. —sa panulat ni Drew Nacino