Nakumpiska ng mga awtoridad ang higit sa P1.6-B halaga ng hinihinalang droga sa dalawang Chinese nationals sa Cabanatuan sa Nueva Ecija.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Customs (BOC), dumating ang cargo noong 24 ng Oktubre sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naunang idineklara bilang ‘work bench tables’ na nagmula sa Malaysia.
Mababatid na dumaan sa x-ray ang naturang kargamento at makaraang masuri ito, ay nakitang mga hinihinalang mga shabu na nakalagay sa tea bag na aabot sa 240 kilos ang timbang at nagkakahalaga ng P1.632-B.
Kasunod nito, agad na nagkasa ng operasyon ang BOC-NAIA, PDEA at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group na nagbigay daan para maaresto ang dalawang Chinese nationals.
Sa ngayon, ay nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman kung sino ang nasa likod ng ipinadalang cargo na naglalaman ng iligal na droga.