Aabot sa mahigit 11 milyong pisong halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang naarestong suspek sa Port of Clark sa Mabalacat, Pampanga.
Ayon sa mga otoridad, bigong maipuslit ng mga salarin ang mga pinaghihinalaang iligal na droga na una nang idineklarang mga pares ng sapatos na nakapangalan sa isang residente ng Taguig City.
Nabatid na idinaan umano sa machine scanner ang aabot sa mahigit isang kilo ng shabu na nakabalot sa mga plastic, carbon paper at black duct tape.
Nakatakdang itinurn-over ng Bureau of Customs (BOC) sa PDEA ang mga nakumpiskang shabu habang nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o mas kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang consignee mula sa nabanggit na lungsod.
Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente para matukoy ang nasa likod ng pagupuslit ng iligal na droga sa bansa.