Umabot na sa mahigit 141 million pesos cash assistance ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga mahihirap na estudyante kasunod ng muling pagbubukas ng klase bukas.
Batay sa datos na ipinakita ni DSWD Undersecretary Jerico Javier sa kaniyang Facebook account, kabuuang 141,049,500 pesos educational aid ang naibigay sa 48,033 na mga benepisyaryo ngayong araw.
Karamihan sa tulong-pinansyal na nagkakahalagang 20,760,000 ay naipamahagi sa 5,144 benepisyaryo sa Western Visayas.
Sinundan ito ng Ilocos Region na may 20,422,000 pesos para sa 5,715 benepisyaryo, CALABARZON na may 14,292,000 pesos para sa 5,019 benepisyaryo at Cagayan Valley na may 10,563,000 pesos para sa 4,360 benepisyaryo.
4,191,000 pesos educational aid naman ang naipaabot sa 1,594 benepisyaryo sa National Capital Region (NCR).
Nakikipag-ugnayan naman ang kagawaran sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa distribusyon ng naturang cash aid sa pamamagitan ng Local Government Units (LGUs) matapos hindi makaabot sa cut-off ang ilang benepisyaryo dahil sa pagdagsa ng mga tao sa kanilang mga tanggapan.