Nakapagtala ng mahigit sa P218-M halaga ng pinsala sa agrikultura ang natamo sa ilang lugar sa bansa dahil sa hagupit ng bagyong Bising.
Ito’y ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kung saan naitala ang pinsala sa mga pananim sa Bicol at Eastern Visayas region.
Nasa mahigit P10-M naman ang halaga ng pinsala sa mga imprastruktura ang naitala habang ayon sa tala ng NDRRMC ngayong ika-23 ng Abril, nasa 1,374 na kabahayan sa Bicol, Eastern Visayas, at Caraga Regions ang bahagyang nasira at 94 kabahayan naman ang ganap na nasira.
Samantala, pumalo naman sa 75,448 na mga pamilya o 302,564 katao sa Cagayan Valley, Bicol, Eastern Visayas at Caraga regions ang naapektuhan ni Bising.