Arestado ang 4 na drug suspek sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group o PDEG sa Brgy. Sta. Lucia sa Pasig City.
Kinilala ni PDEG Director, P/BGen. Randy Peralta ang mga suspek na sina Mivier Miranda, Abdel Badio, Jeffrey Tavas at Dante Garbida.
Nakuha mula sa kanila ang may 15 kilo ng Cannabis Sativa o mas kilala bilang Marijuana na nagkakahalaga ng P22,500,000.
Nakumpiska rin sa kanila ang 1 libong piso na kasama sa ginamit na boodle money gayundin ang isang smart phone na siyang ginagamit sa transaksyon at ID’s.
Agad dinala sa Special Operations Unit 5 ng PDEG ang mga naaresto at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)