Aabot sa mahigit 400 milyong pisong halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP)) sa dalawang dayuhan sa Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga.
Kinilala ang dalawang Chinese national na sina Wenjie Chen, alyas Harry, 55-anyos; at Sy Yan Qing, 42-anyos na naaresto sa pinagsanib-puwersa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) kasama ang Pampanga Police Provincial Office (PPPO) at Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) makaraang ikasa ang Anti-Illegal Drug Operations sa Mexico, Pampanga.
Nakumpiska sa dalawa ang limang vacuum sealed plastic Chinese tea bag na may timbang na limang kilo at naglalaman ng crystalline substance na pinaghihinalaang shabu na may standard value na 34 million pesos; 55 piraso ng vacuum sealed plastic Chinese tea bag na may timbang naman na 55 kilos at nagkakahalaga ng 374 million pesos; limang piraso ng 1,000 peso bill na ginamit bilang marked money; cellphone; at iba’t ibang uri ng dokumento at ID.
Napag-alaman na ang dalawa ay nakalista sa ilalim ng “coplan apocalypto” na kilalang-kilala sa paglalako ng ilegal na droga sa mga lugar sa Metro Manila, Region 3, at Region 4A.
Hawak na ng mga otoridad ang dalawang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.