Aabot sa mahigit P5.2-M ang halaga ng marijuana plants ang nasamsam ng mga otoridad sa ikinasang tatlong araw na operasyon sa Barangay Bolol Salo, Kiblawan, Davao del Sur.
Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Dionardo Carlos ang mga tauhan ng Davao del Sur Police Provincial Office, PDEG 11, at 39th Infantry Battalion ng Philippine Army sa matagumpay na operasyon na nagresulta ng pagkakadiskubre at pagkakasira ng 26,350 pirasong tanim ng marijuana.
Naaresto naman ang isang suspek na kinilalang si Lima Cansing na siyang nagtanim sa libu-libong marijuana plants at nahaharap sa Section 16 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165 na may multang kalahati hanggang P10-M.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Davao del Sur PPO ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso habang 11 pirasong sample ng marijuana plants naman ay itinurn-over sa Davao del Sur Provincial Forensic Unit para sa qualitative examination.
Samantala, nagbabala naman PNP Chief sa mga taong nagtatanim ng marijuana na mahaharap ang mga ito sa habambuhay na pagkakakulong kapag napatunayang guilty. —sa panulat ni Angelica Doctolero