Mahigit pitong (7) milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa University St. Cor. Commonwealth Avenue, barangay San Vicente, Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Bryan Dudley alyas Bryan Taba na sinasabing nahuli sa akto habang binebentahan ng limang daang (500) gramo ng umano’y shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Ayon sa mga awtoridad, mahigit isang kilo ng droga ang nasabat mula sa suspek na nagkakahalaga ng higit 7.4 million pesos.
Nabatid na noong April 8, 2016 ay nakulong din sa Pasay City si Dudley dahil din sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga pero inabswelto ito ng korte at nakalaya nitong nakaraang buwan.
Patuloy na minonitor ng mga awtoridad ang galaw ni alyas Bryan Taba at nang magpositibo ang tip na nagtutulak pa rin ito ng droga, agad na nagkasa ng operasyon laban sa kanya.
Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.
(Photo Credit: NCRPO)