Mahigit P8 million halaga ng party drugs ang nakumpiska sa isang unit ng isang five star residential apartment sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.
Arestado rin ang ipinagpapalagay na big time drug pusher na kinilalang si Domingo Uy.
Maliban sa P8.5 million na halaga ng party drugs, nakuha rin sa unit ni uy ang P700,000 cash at mga tseke na nagkakahalaga ng P175 million.
Ang mga kontrabando ay nadiskubre ng dalawang housekeepers sa isang open vault sa loob ng unit at naireport agad sa security at manager ng apartment hotel, na agad namang tumawag ng mga pulis.
Disyembre pa di umano ng 2018 nagsimulang upahan ni Uy ang unit sa apartment hotel sa halagang P13,000 kada araw.
Kabilang sa mga nakuhang party drugs ay mahigit sa 4,000 ecstasy pills, mahigit 300 gramo ng high grade cocaine, mahigit 100 gramo ng kush at tatlong bote ng liquid marijuana.
PNP tutugisin ang supplier
Tutugisin ng Philippine National Police (PNP) ang supplier at sindikatong nasa likod ng big time drug pusher na naaresto sa isang five star residential building sa Bonifacio Global City.
Tiniyak ito ni PNP-NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar matapos makakumpiska ng mahigit sa P8 million halaga ng party drugs sa suspek na si Domingo Uy.
Ayon kay Eleazar, sisimulan nila ang imbestigasyon mula sa listahang nakuha nila kay Uy.
Lumalabas aniya na si Uy ang distributor ng party drugs sa BGC at iba pang lugar sa metro manila.
Aminado si Eleazar na wala sa drugs watchlist at wala sa radar ng NCRPO si Uy.