Arestado ang isang illegal drug courier mula sa South Africa matapos makuhanan ng mahigit P92.24 million na halaga ng shabu sa ikinasang operasyon ng Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa NAIA Terminal 3, sa Pasay City kahapon, October 28, 2022.
Kinilala ang suspek na isang 40-taong gulang na babae at dumating sa bansa lulan ng Flight EK 334 na mula sa Johannesburg, South Africa.
Natagpuan ng mga otoridad ang naturang droga na nakatago sa isang false compartment ng bagahe na dala ng babae.
Agad namang nagsagawa ng Field Test ang Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) kung saan nagpositibo sa shabu ang nasabing droga na umabot sa 13,565 grams at tinatayang nagkakahalagang P92,242,000.
Gayundin, isang Norwegian passenger ang naaresto ng mga otoridad kahapon dahil sa pagtatangkang magdala ng 8.34 kilos ng shabu na tinatayang nasa P56.7 million ang halaga.
Itinurn over naman ang nasabing pasahero at iligal na droga sa PDEA para sa inquest proceedings sa paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may kaugnayan sa sections 118 o Prohibited Importation, 1113 o Goods Liable for Seizure and Forfeiture at 1401 o Unlawful Importation ng Republic Act 10863, na tinatawag na Modernization and Tariff Act (CMTA).
Samantala, ang Bureau of Customs, sa pamumuno ni Commissioner Yogi Filemon L. Ruiz at naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay mananatiling mapagbantay laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga at iba pang kontrabando sa lahat ng paliparan at daungan sa buong bansa. —via Raoul Esperas (Patrol 45)