Aabot sa labing pitong (17) milyong piso ang tinanggap na lagay ng ilang opisyal ng Bureau of Customs o BOC sa loob lamang ng tatlong buwan.
Ito ang naging pagbubulgar ni Mark Taguba, isang broker-importer sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara sa pagpasok ng kargamento ng iligal na droga mula sa China.
Sa pagtatanong ni Deputy Speaker at Marikina Representative Romeo Quimbo ay ikinanta ni Taguba na nagbibigay sya sa hindi pinangalanang mga opisyal ng Customs ng 27,000 pesos kada maire-release na container van.
Aabot aniya sa 630 shipment ang kanyang hinawakan mula Marso hanggang Mayo kung saan kabilang dito ay ang kinuwestyon na kargamento ng iligal na droga na dumaan sa green o express lane.
Samantala, nagpahayag naman ng pangamba si Quirino Representative Dakila Cua, Chairman ng House Committee on Ways and Means matapos na lumabas na nawawala ang 18 mga crate na kasama sa kargamento ng shabu.
Base sa dokumento ng Customs ay 23 na crate dumating ngunit lima lamang ang nakuha sa isinagawang raid sa warehouse sa Valenzuela City.
Sinabi ni Cua na dapat alamin kung saan napunta ang 18 nawawalang crate lalo’t malaki ang posibilidad na droga din ang laman nito.
By Rianne Briones