Muling nagpaalala ang National Task Force on COVID-19 sa mga lokal na opisyal partikular sa may mga pagtaas pa rin ng kaso na higpitan ang ipinatutupad na minimum health standards.
Sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na may ilang mga lugar kasi na nakitaan nila ng pagluwag ng protocols na nagiging dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Aniya, dapat i-review ng mga lokal na opisyal ang kanilang prevention strategy at sundin ang mga hakbang para hindi tumaas ang COVID-19 case sa kanilang lugar.
Kasabay nito, nanawagan din si Galvez sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na ipatupad ang minimum health standards lalo na ngayong pumasok na ang Disyembre kung saan inaasahan ang mga selebrasyon ngayong holiday season.