Mas hihigpitan pa ng pamahalaan ang paglalabas ng pondo sa ilalim ng 2025 national budget.
Ito ang tiniyak ni Budget Undersecretary Goddess Hope Libiran, kasabay ng pagsasabing ilalabas lamang ng pamahalaan ang mga dagdag na alokasyon at mga bagong budgetary items na kasama sa 2025 national budget kapag nakasunod ang mga kaukulang ahensya sa mga kinakailangang dokumento.
Ayon kay Usec. Libiran, ang prosesong ito ay tinatawag na ‘for issuance of special allotment release order’ o FISARO na isang authorization document para sa alokasyon at paggamit ng pampublikong pondo para sa iba’t ibang proyekto at programa ng gobyerno.
Dagdag pa ng DBM official, ang direktibang ito ay nakasaad sa Section 6 ng veto message ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagbibigay-diin sa maingat na pamamahala ng pondo at pagsunod sa mga prayoridad ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Usec. Libiran na ang anumang pagbabago sa mga appropriations ay dapat nakaayon sa mga prayoridad ng pangulo. - sa panulat ni John Riz Calata