Iginiit ni Senate Justice Committee Chairperson Richard Gordon na kinakailangang pumasok ang batas kaugnay sa mga kabataang ginagamit sa paggawa ng krimen lalo na kung napapabayaan na ng husto ang kalagayan ng isang bata.
Ito’y hinggil sa panukalang nagpapababa sa edad ng crime responsibility.
Dapat anyang tignan, hindi lamang ang siyensiya na nagdidikta kung kaya na bang magdesisyon ng isang bata kundi maging ang brutal na reyalidad na nangyayari sa kabataan.
Gayunman, mali anya ang mga lumulutang na pagbatikos na ikukulong ang mga batang nasangkot sa krimen, bagkus ay ipapasok lamang sila sa mga Bahay Pag-Asa para sa kinakailangang rehabilitasyon.
“Kailangan maturuan ang bata ng matinong paraan para ang bata ay lalaki ng mabuti at hindi makakasama sa lipunan. Ang masama rito, parang ikinukunsidera yung mga ginagawa ng mga kabataan na pumapayag sila na mahawakan ng ibang mga tao at ang nangyayari tuloy ay makukulong sila, mali yun eh, yung salitang ‘kulong’, yan ang ayoko. Wala naman akong karapatang magsabi pero wala namang ikukulong. Ikukulong lang talaga kung may discernment talaga at pagdating na ng minorya. Yung bata, ide-detain sa Bahay Pag-Asa.”
(IZ Balita Nationwide Sabado- Tanghali interview)