Inatasan na ng Department of Interior and Local Government o DILG ang lahat ng Local Government Units at PNP na ipatupad ang crackdown sa lumalabag sa pinaiiral na quarantine protocol.
Paiigtingin rin ang pagpapatupad ng mga minimum health standard matapos tumaas sa mahigit na tatlong libo ang kaso ng tinamaan ng COVID-19 sa nakalipas na araw.
Iniutos din ng DILG sa Joint Task Force Shield na magpakalap ng mga pulis para imonitor ang mga lalabag sa ipinapatupad na health protocols.
Dahil dito, bubuo ang PNP ng special action force para sa mga lugar na may pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Nakapaloob din sa direktiba ng DILG ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew ng LGU sa kani kanilang mga lugar mula 10 ng gabi hanggang 5 ng madaling araw at papatawan ng parusa kasama ang multa ang mga lalabag dito.— sa panulat ni Rashid Locsin