Naglabas ng memorandum ang pamunuan ng Philippine National Police o PNP hinggil sa kanilang Standard Operating Procedures o SOP.
Ito’y para sa contact tracing, quarantine at testing sa kanilamg mga tauhang nagpopositibo sa COVID-19 lalo pa’t unti-unti na namang tumataas ang mga naitatalang kaso ng virus sa bansa.
Ayon kay Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force o ASCTOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Joselito Vera Cruz, pinaalalahanan sa nasabing memo ang mga police commander na mahigpit nilang sundin ang minimum health and safety standards kontra sa virus.
Partikular na rito aniya ang pagsusuot ng facemask, regular na sanitation at disinfection sa mga himpilan at kampo ng pulisya gayundin ang pagpapanatili ng physical distancing upang maiwasan ang hawaan.
Giit ni Vera Cruz, nais ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos na mabigyang diin ang kahalagahan ng pag-iingat sa kanilang hanay lalo’t nariyan ang banta ng Omicron variant na nakapagtala na ng 14 na bagong kaso. —ulat mula kay Jaymark Dagala