Muling pinaaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga Lokal na Pamahalaan at Philippine National Police (PNP) na mahigpit na ipatupad ang minimum public health protocols kontra COVID-19.
Ito’y kasunod ng inaasahang pagdagsa ng publiko sa iba’t ibang lugar bakasyunan sa alinmang panig ng bansa kasabay ng paggunita ng Sambayanang Pilipino sa Semana Santa.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, lubhang napakahalagang matutukan ang pagpapatupad ng health protocols upang hindi maging superspreader event ang mga nakakasa nang Holy Week Activities.
Kabilang na rito ang patuloy na pagsusuot ng facemask lalo na sa mga pampubliko at kulob na mga lugar gayundin ang palagiang paghuhugas ng kamay at ang Physical Distancing.
Pinakikilos din ng Kalihim sa mga Lokal na Opisyal ang mga Barangay Tanod, Traffic Enforcers, Barangay Peacekeeping Action Teams, Public Safety Officers at iba pang Force Multipliers para makatuwang ng Pulisya sa pagpapatupad ng batas at mga panuntunan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)