Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit nilang babantayan ang galaw ng mga kandidato para sa Halalan 2022.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos kasabay ng pag-arangkada ngayong araw ng kampaniya para sa pambansang posisyon.
Ayon kay Carlos, walang sasantuhin ang Pulisya sakaling may makita o malamang paglabag ang mga kandidato sa ipinatutupad na panuntunan ng COMELEC.
Batay sa resolusyon ng Poll Body, bawal ang pagbabahay – bahay, pakikipagkamay at iba pang uri ng physical contact tulad ng selfie nang magkadikit, pamamahagi ng pagkain o inumin sa pangangampaniya.
Dahil dito, umapela ang PNP sa mga kandidato na mahigpit pa ring sundin ang mga ipinatutupad na panuntunan ng COMELEC lalo na ang health protocols dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.