Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na kanilang mahigpit na susundin ang karapatang pantao at rule of law sa mas maigting na pagpapatupad ng kampanya kontra iligal na droga.
Ito ang ipinangako mismo ni Albayalde kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kaniyang pagbisita sa Palacio Arzobispo sa Intramuros Manila, kahapon.
Ayon kay PNP Spokesperson Senior Supt. Benigno Durana Jr., sa pagharap ni Albayalde sa Arzobispo, ipinangko rin nitong gagawin ang lahat para mabawasan ang krimen at mapagbuti ang kaligtasan at seguridad ng publiko.
Bilang tugon naman aniya ni Cardinal Tagle , nangako itong patuloy na ipagdarasal at bibigyang suporta ang PNP sa pagharap sa kanilang mga tungkulin.
Kasama ni Albayalde na bumisita kay Cardinal Tagle si NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar at limang iba pang district directors ng NCRPO.
—-