Dumadaing na ang ilang mga Pinoy factory workers na nasa Taiwan matapos ang mahigpit na panuntunan sa kanilang tinutuluyang dormitoryo.
Ayon sa ilang mga factory workers, pinagbabawalan silang makalabas ng kanilang kuwarto dahil sa mahigpit na covid-19 protocols.
Sa pahayag ng mga Pinoy workers, tatlong buwan na silang totally lockdown kung saan, hindi nila nabibili ang kanilang mga kailangan dahil dalawang oras tuwing linggo lamang sila pinapayagang makalabas ng dormitoryo.
Bukod pa dito, hindi rin sila pinapayagang sumakay ng pampublikong sasakyan katulad ng taxi, bus at train.
Ayon sa mga migrant workers, hindi sila makapaghain ng kanilang reklamo dahil binantaan umano sila na pauuwiin ang sinumang hindi susunod sa company policy.
Samantala, sa naging pahayag naman ni MECO Labor Taipei Director na si Attorney Cesar Chavez, kailangan lang tumawag ang Pilipino sa tanggapan ng Manila Economic and Cultural Office o MECO para agad na maaksyunan ang kanilang reklamo.
Sa ngayon ay umaasa pa rin ang mga apektadong Pinoy factory workers na papayagan silang makalabas para sa kanilang mental health. —sa panulat ni Angelica Doctolero