Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng mahihinang phreatomagmatic burst sa Bulkang Taal.
Sa huling monitoring ng PHIVOLCS mula ala-5:00 ng umaga kahapon hanggang alas-5:00 ng umaga kanina, tumagal ng isang minuto ang pagsabog.
Nakapagtala rin ng mahinang pagbuga ng usok sa bulkan na umaabot hanggang 600 metro ang taas na inanod sa timog-kanluran.
Samantala, sinabi ng PHIVOLCS na nakapagtala rin sila ng bahagyang inflation sa Taal Volcano Island at Western Taal Caldera, habang deflation sa Eastern Taal Caldera.
Sa ngayon, nananatili pa ring nakataas ang Alert Level 1 sa bulkan na nangangahulugang nasa low-level unrest pa rin ito.