Kung nanghihina na ang katawan mo, ngunit sinabihan ka ng mga eksperto na maaari pang pahabain ang buhay mo kung ililipat ang ulo mo sa katawan ng ibang tao, papayag ka ba?
Ito ang ideya sa likod ng BrainBridge, ang pinakaunang konsepto ng head transplant system na layong magbigay ng pag-asa sa mga pasyenteng may mga karamdamang walang lunas.
Gamit ang advanced robotics, artificial intelligence (AI), at real-time molecular-level imaging, ililipat ang ulo ng isang pasyente sa malusog na katawan ng isang brain-dead na donor.
Katulad ng pangkaraniwang surgery, bibigyan muna ng anesthesia ang pasyente at donor. Papasukan sila ng tubo sa kanilang trachea bilang respiratory support.
Matapos nito, palalamigin sa temperaturang 5 °C ang dalawang katawan at saka dahan-dahang pupugutan ng ulo gamit ang specialized surgical technique na magpre-preserba sa spinal cord at mahahalagang blood vessels.
Specialized AI algorithms naman ang tutulong sa pagkakabit ng ulo ng pasyente sa katawan ng donor sa pamamagitan ng pag-track sa muscles at nerves.
Unang ikokonekta ang nakahiwalay na ulo sa circulatory system ng bagong katawan nito upang mapanatili ang blood flow. Isusunod rito ang pagkakabit ng spinal cord, esophagus, trachea, nerves, at iba pang tissues gamit ang ultra-precision surgical instruments.
Matapos ang surgery, maiging babantayan ang pasyente sa isang intensive care unit (ICU) at mananatiling comatose ng isang buwan upang maiwasan ang misalignment ng kinonektang organs.
Konsepto lamang ang BrainBridge, ngunit ayon sa lumikha nito, posibleng magawa ang pinakaunang head transplant surgery sa loob lamang ng walong taon.