Idinadaing ngayon ng mga magsasaka ang mababa at mahinang produksiyon ng pananim na tubo sa Negros Occidental.
Ayon sa mga magsasaka, nagsimula na ang milling season o harvest sa mga plantasyon ng tubo sa kanilang lugar na isa sa pinakamalaking plantation sa bansa.
Sinabi ng mga sugarcane planter na apektado na ang kanilang produksiyon dahil sa mataas na presyo ng pataba o abono kung saan, mula sa animnapung tonelada kada ektarya ng produksiyon ng tubo, nagiging tatlumput dalawang tonelada nalang kada ektarya ng produksiyon.
Dahil dito, nagkukulang na ang kanilang produksiyon bunsod narin ng kakulangan sa alaga dahil sa pagtitipid ng fertilizer kung saan, ang dating dalawang beses na paglalagay ng abono, ay nagiging isang beses nalang sa loob ng sampung buwan upang maibalik ang kanilang puhunan at para maiwasan ang kanilang pagkalugi.
Nabatid na ang dating P800 sa kada sako ng abono, ay umabot na sa P3,200 ang presyo ng kada sako nito.
Bukod pa diyan, maging ang pagtanggal ng mga damo sa mga pananim ay tinitipid narin ng mga magsasaka kung saan, limang araw nalang kada linggo mula sa anim na araw.
Ayon sa mga magsasaka, mura ang lingguhang bayad sa kanila at mas lalo pang liliit ang kanilang kita kung saan, isanglibo lamang ang natatanggap ng mga nag-aalaga ng pananim na tubo.