Asahan na ng mga customer ng Maynilad at Manila Water ang mahinang supply ng tubig simula sa susunod na linggo.
Ito’y matapos apurabahan ng National Water Resources Board o NWRB na bawasan ang alokasyon ng tubig mula sa Angat dam, Norzagaray, Bulacan bunsod ng matinding epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Maynilad Water Source Management Head, Engineer Odel Tumandao, naglatag na sila ng contigency para sa malawakang water interruption.
Nilinaw din ni Tumandao na hihina lamang pressure ng tubig ng kanilang mga customer.
“Meron po kaming iba-ibang schedule ng mga water interruptions, magva-vary po ito depende kung saan ka nakatira, o lugar, maaaring kung ikaw ay nasa malayong lugar o mataas na lugar ang inyong bahay, may mga areas po na less than 12 hours ang kanilang suplay, maaaring mag-range po ito ng 4-12 oras na water availability, lower ang pressure.” Paliwanag ni Tumandao.
Magtipid ng tubig
Kasabay nito, pinaghahanda na ng Maynilad ang publiko para sa posibleng 4 -2 oras na water interruption.
Idinagdag ni Engr. Odel Tumandao, plano nilang paganahin ang kanilang mga deep well at mag-rasyon ng tubig sa kanilang mga consumer.
Mahigpit pa ring pinapayuhan ng Maynilad ang kanilang mga customer na magtipid sa paggamit ng tubig at mag-ipon bago ang itatakdang water interruption.
“Also, maging vigilant tayo especially sa mga pagbabantay ng illegal connections at kung may makita tayong leak sa daan para hindi naman nasasayang ang tubig sa ating linya.” Dagdag ni Tumandao
By Drew Nacino | Jelbert Perdez | Ratsada Balita