Iginiit ng Department of Health (DOH) na walang sinisino ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) –mahirap man o mayaman.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang ebidensya na mayroong immunity sa COVID-19 ang isang sektor ng lipunan tulad ng mahihirap.
Ipinaliwanag ni Vergeire na kaya ng mga nasa middle at upper class ng lipunan ang unang tinamaan ng COVID-19 ay dahil sila ang bumibiyahe sa abroad kung saan nagmula ang COVID-19 at sila rin ang madalas sa mass gatherings tulad ng conferences, convention at iba pa.
Hindi anya ito nangangahulugan na mayroong immunity sa COVID-19 ang mga nasa lower class.
Una nang sinabi ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na batay sa kanilang pakikipag-usap sa iba’t ibang grupo tila napuna nila na tila immune sa COVID-19 ang mga mahihirap.