Maugong ang panawagang sibakin o di kaya’y mag-resign na ang General Manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) na si Retired General Jose Angel Honrado, matapos ang kahinaan nitong mapigilan ang sunod-sunod na insidente ng laglag-bala modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang panawagan ay sinimulan ni Davao City Representative Karlo Nograles at ilan pang mga progresibong grupo dahil sa hindi umano matigil ang modus na ito at ang kawalan ng aksiyon nito laban sa mga sindikatong gumagawa nito sa ating mga kababayang manlalakbay, partikular sa mga OFWs, Balikbayan at maging mga banyagang turista.
Kung pagbabasehan ang numerong nakalap ng mga mamahayag, mantakin niyo aabot na raw sa apat na libo ang naitalang nakumpiskahan ng bala sa paliparan, ngunit hindi lahat ay nakakasuhan dahil madali lamang itong naareglo kapag may tinatawag na “CASH-SUNDUAN”.
Marahil dito nag-ugat ang pag-usbong ng mga sindikato dahil nga madali itong gawing gatasan at pagkakakitaan ng mga kriminal at sindikato.
Ngunit, ang hindi natin batid sa kasalukuyan, ay sino-sino nga ba ang nasa likod nitong modus na ito.
Pero, in fairness sa ating mga nakatalagang mga pulis at security personnel sa NAIA, hindi naman lahat ay sinasadyang itinatanim o inilaglag ang bala, meron ding mga pasahero ang nakakaligtaang makadala ng bala sa kanilang mga bagahe, maaring aksidente lamang o pwedeng inilagay ng kanilang kamag-anak na may galit sa kanila.
Ngayon, paano ba tayo nakasisiguro na itong mga naglipanang akusasyon ng ating mga kababayan laban sa mga tauhan ng NAIA ay may katotohanan?
Kaya ngayon nagbunga ito ng pangamba at takot sa ating mga manlalakbay, kesyo gumagawa na ng hakbang tulad ng pagbabalot ng kanilang dala-dalang mga bagahe.
Siguro napapanahon na magsagawa ng malinaw na hakbang at reporma ang pamunuan ng DOTC, MIAA at PNP upang mabura ang ganitong negatibong imahe.
Kaawa-awa naman ang mga marangal at malilinis na empleyado ng NAIA na ginagampanan ang kanilang tungkulin ng tapat at walang bahid na kawalanghiyaan.
Siguro isa sa mga pwedeng isangguni sa otoridad, ay ang seryosong pagpkakabit ng CCTV sa lahat ng sulok ng terminal ng NAIA upang sa ganitong paraan ay maging deterrent at maiwasan ang mga modus.
Pangalawa, tulad ng mungkahi ni Dating Congressman Roilo Golez, hangga’t hindi pa nakasasakay ng eroplano ang isang pasahero na may dalang isa hanggang dalawang bala, kumpiskahin na lang agad at huwag nang bigyan ng pagkakataon ang security personnel na makipag-negosasyon, dahil diyan nagsisimula ang kotongan.
At panghuli, utang na loob, tigilan na ninyo ang modus na laglag bala na iyan, nakakahiya na kayo!