Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang maayos na pagpapatupad sa panukalang Maritime Industry Development Plan 2028 (MIDP 2028).
Ayon kay Pangulong Marcos, kasalukuyang tinatapos ang development plan na may layong gawing prayoridad ang kapakanan ng Filipino seafarers.
Tumutukoy ang maritime industry sa transportasyon ng mga tao at produkto sa katubigan. Malaki ang direktang epekto ng maritime industry sa pang-araw araw nating buhay dahil ang ilan sa mga kadalasan nating ginagamit tulad ng langis, damit, at pagkain, ay mula sa ibang bansa na dala ng mga barko.
Sa Pilipinas, nilikha ang Maritime Industry Authority (MARINA) noong June 1, 1974 sa bisa ng Presidential Decree No. 474 o Maritime Industry Decree of 1974. Layon ng MARINA na tiyaking ligtas ang mga tao at ari-arian sa karagatan, protektahan ang marine environment, at pangasiwaan ang promotion, development, at regulation sa maritime industry.
Nitong January 17, 2024, nakipagpulong si Pangulong Marcos kay MARINA administrator Sonia Bautista Malaluan upang pag-usapan ang pag-apruba sa MIDP 2028.
Sa MIDP 2028, isusulong ang pagkakaroon ng strong at reliable Philippine Merchant Fleet. Kabilang sa core programs nito ang modernization at expansion ng Philippine domestic shipping, promotion at expansion ng Philippine overseas shipping, modernization ng shipbuilding at ship repair industry, at promotion ng highly-skilled Filipino at competitive maritime workforce.
Ayon kay Pangulong Marcos, maraming rules at operations sa maritime industry ang hindi na ginagamit dahil sa kakulangan sa unified system. Kaya bago ipatupad ang mga panukalang programa, inatasan niya ang MARINA na magkaroon muna ng standardized system alinsunod sa international systems.
Kasalukuyan mang inaayos at tinatapos ang MIDP, kumpiyansa si Pangulong Marcos na magiging epektibo ang pagpapatupad nito at makikilala sa buong mundo ang mga marinong Pilipino.